Parapo:
19 Kung tungkol sa pagsunod sa di-sakdal na mga tao, mas mahirap pa nga ang mga situwasyong
napaharap kay Jesus kaysa sa nararanasan ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Isaalang-alang ang
naiibang kalagayan noong panahon ni Jesus. Ang kaayusan ng mga Judio sa pagsamba, pati na ang templo
nito sa Jerusalem at ang pagkasaserdote nito, ay sinasang-ayunan noon ni Jehova, ngunit malapit na itong
itakwil at palitan ng kaayusan ng Kristiyanong kongregasyon. (Mateo 23:33-38) Samantalang umiiral ang
kaayusang ito ng mga Judio sa pagsamba, marami sa mga lider ng relihiyon ang nagtuturo ng mga
kasinungalingang halaw sa pilosopiyang Griego. Napakalaganap ng katiwalian sa templo kaya tinawag ito ni
Jesus na “yungib ng mga magnanakaw.” (Marcos 11:17) Dahil ba sa lahat ng iyan ay hindi na nagpunta si
Jesus sa templo at sa mga sinagoga? Hindi! Ginagamit pa rin ni Jehova noon ang mga kaayusang iyon.
Masunuring dumalo si Jesus sa mga kapistahan sa templo at nagtungo sa sinagoga hanggang sa mamagitan
at gumawa ng pagbabago ang Diyos.—Lucas 4:16; Juan 5:1.



20 Kung paanong naging masunurin si Jesus sa gayong mga kalagayan, lalong dapat na patuloy na maging
masunurin ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon! Di-tulad noong panahon ni Jesus, nabubuhay na tayo sa
matagal nang inihulang panahon ng pagsasauli sa dalisay na pagsamba. Tinitiyak sa atin ng Diyos na hinding-
hindi niya pahihintulutan si Satanas na pasamain ang kaniyang bayan sa ngayon. (Isaias 2:1, 2; 54:17) Totoo,
naaapektuhan tayo ng mga kasalanan at di-kasakdalan ng mga nasa loob ng kongregasyong Kristiyano.
Ngunit dapat ba nating gawing dahilan ang mga pagkukulang ng iba upang suwayin si Jehova, marahil ay
hindi na tayo dadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong o magiging mapamuna na tayo sa mga
tagapangasiwa sa kongregasyon? Hinding-hindi nga natin gagawin iyan! Sa halip, buong-puso nating
sinusuportahan ang mga nangunguna sa kongregasyon. Masunurin tayong dumadalo sa Kristiyanong mga
pagpupulong at mga asamblea at ikinakapit ang mga payo mula sa Kasulatan na natatanggap natin dito.—
Hebreo 10:24, 25; 13:17.




21 Hindi kailanman hinayaan ni Jesus ang mga tao—maging ang mga kaibigang may mabuting intensiyon—
na makahadlang sa kaniyang pagiging masunurin kay Jehova. Halimbawa, sinikap kumbinsihin ni apostol
Pedro ang kaniyang Panginoon na hindi naman Siya kailangang magdusa at mamatay. Bagaman may
mabuting intensiyon si Pedro, matatag na tinanggihan ni Jesus ang maling payo nito na maging mabait si
Jesus sa kaniyang sarili. (Mateo 16:21-23) Sa ngayon, madalas na kailangang harapin ng mga tagasunod ni
Jesus ang kanilang mga kamag-anak na may mabuti namang intensiyon, ngunit maaaring nanghihikayat sa
kanila na suwayin ang mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Tulad ng mga tagasunod ni Jesus noong
unang siglo, naninindigan tayong “dapat [nating] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”
—Gawa 5:29.



Mga Gantimpala ng Pagiging Masunuring Gaya ni Kristo

22 Nasubok nang husto ang pagiging masunurin ni Jesus nang mapaharap siya sa kamatayan. Noong
mapanglaw na araw na iyon, “natuto siya ng pagkamasunurin” sa ganap na diwa nito. Ginawa niya ang
kalooban ng kaniyang Ama, hindi ang sa kaniya. (Lucas 22:42) Sa paggawa nito, naipakita niya na posibleng
mapanatili ng isa ang sakdal na katapatan. (1 Timoteo 3:16) Siya ang naging sagot sa isang matagal nang
tanong: Mananatili kayang masunurin kay Jehova ang isang sakdal na tao, kahit sa harap ng pagsubok? Hindi
nanatiling tapat si Adan, at maging si Eva. Ngunit si Jesus ay dumating, nabuhay, namatay, at pinatunayan
niyang posibleng manatiling tapat sa Diyos ang isang tao kahit sa harap ng pagsubok. Ang pinakadakila sa
lahat ng nilalang ni Jehova ang nagbigay ng pinakamatibay na sagot. Naging masunurin siya kahit na
mangahulugan pa ito ng labis na pagdurusa at maging ng kamatayan.



23 Maipakikita natin ang katapatan, o buong-pusong debosyon kay Jehova, sa pamamagitan ng pagiging
masunurin. Dahil sumunod si Jesus, nakapanatili siyang tapat at sa gayo’y nakinabang ang buong
sangkatauhan. (Roma 5:19) Saganang ginantimpalaan ni Jehova si Jesus. Kung susundin natin ang ating
Panginoon, si Kristo, gagantimpalaan din tayo ni Jehova. Ang pagiging masunurin kay Kristo ay umaakay sa
“walang-hanggang kaligtasan”!—Hebreo 5:9.



24 Karagdagan pa, ang katapatan mismo ay isa ring gantimpala. Sinasabi ng Kawikaan 10:9: “Siyang
lumalakad sa katapatan ay lalakad nang tiwasay.” Kung ihahalintulad ang katapatan sa isang malaking bahay
na yari sa magandang klaseng tabla, ang bawat pagsunod ay maihahalintulad sa indibiduwal na tabla. Waring
walang gaanong halaga ang isang tabla, ngunit ang bawat isa ay may papel, o halaga. Kapag ang maraming
tabla ay pinagsama-sama at binuo, isang malaking bahay ang naitatayo. Kapag ang lahat ng ginawa nating
pagsunod sa paglipas ng mga araw at mga taon ay pinagsama-sama, isang magandang bahay ng ating
katapatan ang maitatayo natin.



25 Ang pagiging masunurin sa loob ng mahabang panahon ay nagpapaalaala sa atin ng isa pang katangian—
pagbabata. Ang aspektong iyan ng halimbawa ni Jesus ang paksa ng susunod na kabanata.





Paano Mo Matutularan si Jesus?

● Ano ang ilan sa mga utos ni Kristo, paano natin susundin ang mga ito, at ano ang mga pagpapala sa
paggawa nito?—Juan 15:8-19.

● Ano ang naging palagay noong una ng mga kamag-anak ni Jesus sa kaniyang ministeryo, at ano ang
matututuhan natin sa paraan ni Jesus ng pagharap sa kanila?—Marcos 3:21, 31-35.

● Bakit hindi natin dapat isipin na magiging malungkot ang ating buhay dahil sa pagsunod kay Jehova?—
Lucas 11:27, 28.

● Ano ang matututuhan natin sa pagiging handa ni Jesus na sumunod sa isang kautusan na hindi naman
talaga kapit sa kaniya?—Mateo 17:24-27.
Kabanata 6
“Natuto Siya ng Pagkamasunurin”